Mainit ang naging diskusyon kamakailan tungkol sa pag-decriminalize o pag-alis ng parusang kulong sa kasong libelo. Pero maaari din bang makasuhan ang isang tao na nag-like o share sa social media ng isang libelous o mapanirang puri na post? Alamin.

Sa Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na ang (tradisyunal) na libel ay malisyosong pagkakalat ng mga pahayag na makasisira sa reputasyon ng isang tao sa pamamagitan ng sulat o paglilimbag.

Kabilang na rito ang pag-akusa ng krimen, bisyo, depekto o kondisyon na magdudulot ng paninirang-puri o kasiraan sa isang tao.

Bukod sa tradisyunal na uri ng libelo sa pamamagitan ng sulat o paglilimbag sa pahayagan, mayroon na ring cybel libel na nalalathala o post sa social media, at iba pang internet platform.

Pero maaari bang makasuhan ang isang tao na nag-like o share sa social media ng isang libelous o mapanirang puri na post?

Ayon kay Atty. Concepcion, may desisyon na noon ang Korte Suprema na hindi maaaring mapanagot ng libel ang sinumang nag-like o nag-share ng post ng ibang tao, at hindi naman nagkomento.

Sa pasya ng mga mahistrado,  ang orihinal na author o ang gumawa ng post lamang ang maaaring kasuhan.

Dagdag pa ng Korte Suprema, walang batas na ginagawang krimen ang liking o sharing sa social media, at hindi rin maiiwasan kung magre-react lamang ang tao.

Sa ilalim ng Republic Act 10175 o cybercrime law, ang libel o paninira ng ibang tao sa pamamagitan ng information o communications technology, isang antas na mataas ang parusa sa mga mapapatunayang nagkasala sa cyber libel kaysa sa tradisyunal na libelo.

Sa tradisyunal na libel, maaaring makulong ng hanggang dalawang taon, apat na buwan at isang araw ang taong mapapatunayan na nagkasala sa naturang kasalanan. Pero sa ilalim ng cybercrime law, maaaring makulong ang nagkasala nang hanggang walong taon.

"Mas mataas lang ang penalty kung ito ay ginawa through the internet, kasi alam naman natin na instant, mas malaki ang damage dahil sa extent ng paninira na mangyayari," sabi ni Atty. Concepcion.

Dagdag pa niya, hindi lahat ng "fake news" o disinformation ay libelous o maaaring kasuhan sa batas, kundi dapat nakasisira ito sa katauhan o reputasyon ng isang tao.

Sa kabilang banda, hindi rin lahat ng mga sulatin na libelous ay "fake news," dahil maaaring totoo pa rin ang isang bagay na kinakalat ng isang tao, ngunit wala nga lamang siyang magandang dahilan para ipagkakalat ito. Panoorin ang buong talakayan sa video.-- FRJ, GMA Integrated News