Arestado ang isang lalaki matapos magpakilalang pulis at tangayin ang pitaka at pera ng isang pedestrian sa Brgy. Pansol, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si Ronnel Tolentino.

Ayon sa pulisya, naglalakad ang biktima nang dumating ang suspek na nakamotor at nagpakilalang pulis.

Pinatigil ng suspek ang biktima, sinita, at hinanapan ng ID. Pero nang magpapakita na ng ID ang biktima, dito na kinuha ng suspek ang kaniyang pitaka at pera at tumakbo.

Patuloy ang imbestigasyon kung ang suspek din ang nasa likod sa mga insidente ng pagnanakaw noong nakaraang taon.

Hindi na nabawi ang pera na ninakaw ng suspek, na nahaharap sa reklamong robbery.

"Wala po ako, sir, alam diyan at hindi ko rin sinabi, at hindi ko rin ginawa 'yan. Hindi ko alam kung bakit ako nadawit sa ganito," depensa ng suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News