Nasawi ang isang 27-anyos na lalaki matapos maaksidente at masagasaan ng pampasaherong bus nang sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Plaridel, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Marlon Prinsipe.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nangyari ang insidente sa pakurbang bahagi ng highway sa Barangay Tanauan, kaninang madaling araw.

Dumulas umano ang gulong ng motosiklo na dahilan para sumemplang ang biktima at nahagip ng nakasalubong na pampasaherong bus.

May suot umanong helmet ang biktima pero nawasak sa tindi ng pinsalang tinamo.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang bikitma.

Ayon sa pulisya, batay na rin sa impormasyon na kanilang nakuha, galing sa inuman ang biktima bago mangyari ang insidente.

Dinala umano ng mga kaanak ang mga labi ng biktima sa Liliw, Laguna.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima, gayundin ang driver ng bus, ayon sa ulat.

Ayon sa pulisya, nakatakdang mag-usap ang driver ng bus at mga kaanak ng biktima. —FRJ, GMA Integrated News