Daan-daang sea lions sa Peru, namatay dahil sa bird flu
Umabot na sa daan-daang sea lions sa protected areas ang namatay matapos tamaan ng bird flu sa Peru. Ang sakit, pinangangambahang kumalat na rin sa mga tao.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikitang nanghihina at halos hindi na makagalaw ang mga baby sea lion na kabilang sa 716 na namatay na sea lions sa Peru magmula pa noong kalagitnaan ng Enero 2023, ayon sa datos ng National Service of Natural Protected Areas.
Nahawa ang mga sea lion sa mga pelican, sa gitna ng patuloy na pagkalat ng H5N1 na strain ng bird flu.
“We know this bird flu virus is highly pathogenic on birds but it can also scale and infect mammals. If I’m not wrong there have been cases in Ecuador where a child got infected. And now, sea lions are getting infected. It’s probable there would be people infected in places with infected animals,” sabi ni Roberto Gutierrez, head of surveillance ng National Service of Natural Protected Areas.
Naitala ang unang kaso ng bird flu sa Peru noong Nobyembre 2022. Hanggang Pebrero 2023, umabot na sa 63,000 ang namatay na ibon sa naturang bansa na karamihan ay mga pelican.
Patuloy ang pagsasaliksik ng mga eksperto kung paano mahihinto ang pagkalat ng virus.
Nakitaan na rin ng kaso ng bird flu ang iba pang bansa sa South America gaya ng Ecuador, Bolivia, Chile, Paraguay, Argentina, at Uruguay.
Noong nakaraang linggo, natukoy na rin ang bird flu sa isang sea lion sa Chile, samantalang wala namang kumpirmadong kaso ng bird flu sa Brazil, na siyang pinakamalaking poultry exporter sa mundo.
Base sa record ng World Organization for Animal Health, umabot na sa 200 milyong ibon ang namatay sa bird flu mula sa iba’t ibang mga bansa noong 2021.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News