Inihayag ni Rochelle Pangilinan ang kaniyang paghanga kay Arthur Solinap, dahil pakiramdam niya ang pagiging kampante at hindi siya dapat magselos sa kaniyang asawa.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda,” inamin ni Rochelle na selosa siya pagdating kay Arthur.

“Opo! Dapat lang. Para mas ma-feel niya na love na love ko siya. Kapag hindi ako nagselos kabahan na siya.”

Nauunawaan naman daw ito ni Arthur.

“Ine-explain niya sa akin kapag may mga bagay ako na hindi naiintindihan. ‘Bakit nakatabi sa iyo ‘yan? Lahat ng pictures magkakatabi kayo? Ano ‘to?’ May ganu’n ako,” kuwento ni Rochelle.

“Siya, ‘Hindi, ganito ‘yan.’ Pinapakalma na muna niya ako tsaka niya ie-explain sa akin.”

Natatawang sagot ni Rochelle na wala pa naman siyang sinugod na ibang babae dahil sa kaniyang selos.

“Kay Art po kasi secured ang pakiramdam ko na mahal niya talaga ako. Ipaparamdam niya sa ‘yo na hindi ka dapat magselos,” saad ng dancer-actress.

Samantala, nagkuwento rin si Rochelle sa pagiging proud sa kaniyang anak na si Shiloh, na pumasok na sa ballet classes.

“Nako, noong gusto niya talagang mag-ballet… Actually gusto niya rin pumasok mag-gymnast, lahat gusto niyang gawin. Noong nakita kong nakabihis na siya, may basic na siya. Sabi ko ‘Wow!’ Ako ‘yung mas excited na dalhin siya sa school niya. Noong nagganu’n ganu’n (sayaw) siya, ‘This is it!’ Ito na talaga ‘yun. Dito talaga siya pupunta sa ayaw at sa gusto ko.”

Mensahe ni Rochelle kay Shiloh: “Alam ko, kung ilang taon ka man ngayon. Huwag mong kakalimutan lagi ang mommy at daddy na laging nakasuporta sa iyo. Alam mo simula’t sapul na mahal na mahal ka namin, kahit anong desisyon ang gawin mo, susuportahan ka namin habambuhay. At huwag na huwag mong kakalimutang magsay I love you kay mommy at daddy kahit matanda ka na. Kahit may asawa ka na. Dahil kami, hindi magsasawang sabihin mahal kita.” —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News