Nasawi ang isang babaeng rider matapos siyang araruhin ng isang truck, pati ang karo na kinalalagyan ng bangkay  ng kaniyang batang pamangkin na kanilang ililibing sa Maramag, Bukidnon.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing nakasakay sa motorsiklo ang biktima at naka-convoy sa karo ng kaniyang pamangkin nang mangyari ang insidente.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon pa umano palabas ng karo ang ataul na kinalalagyan ng bangkay ng dalawang taong gulang na bata.

Dinala sa ospital ang babae na tiyahin ng bata pero binawian din ng buhay dahil sa matinding sugat na tinamo sa ulo.

Inaresto ang driver ng truck na mahaharap sa kaukulang reklamo, na wala pang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News