Nagtamo ng mga sugat ang dalawang senior citizen nang pukpukin sila ng martilyo sa ulo ng dalawang lalaking nanloob sa kanilang bahay sa Balasan, Iloilo.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na tinutukan muna ng mga suspek ng baril ang driver at kasambahay na nasa kusina.

Matapos nito, pumasok sa kwarto ang mga suspek at pinukpok ang mga biktima.

Nasa maayos nang kondisyon ang mga biktima sa ospital, ayon sa pulisya.

Nakuha ng mga suspek ang hard drive ng CCTV ng mga biktima. â€”Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News