Nagsimula sa pagiging kahera na kumikita lang noon ng P350 kada araw, ngayon, milyonarya na ang isang babae at nakapagpundar ng mga ari-arian dahil sa pagiging "freelancing." Ano ba ang freelancing" na pinasok ng babae na nagbigay sa kanila ng kaniyang asawa ng maayos na buhay? Alamin ang kaniyang kuwento.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang dating kahera na si Princess Correos-Garcia ng Davao City, na libu-libo ang hinahawakan pera noon pero hindi naman sa kaniya.

Sa halip, P350 lamang ang kaniyang kinikita bawat araw sa naturang trabaho. Kung mamalasin pa, siya pa ang nag-aabono kung may kulang o hindi balanse sa pera ng tindahan.

“Nagbalik ako ng P100. ‘Yung maliit kong sahod nabawasan pa. Kailangan matalas din ‘yung mata namin kasi maraming mga fake money. Kapag nakatanggap kami ng fake money, ako rin ang magbabalik ng pera,” kuwento ni Princess.

“Sa pagiging cashier mahirap ‘yung nakatayo kami ng mahigit seven hours sa isang araw kasi wala rin kaming upuan. Meron ding mga irate customers, mga masusungit, maiinit ang ulo, at mga hindi makapaghintay sa pila kaya kailangan patient ka talaga. Kahit naiinis na ako, kailangan nakangiti pa rin ako,” dagdag ni Princess.

Nakapagtapos si Princess ng BS Biology, ngunit dahil walang trabaho na tugma sa kaniyang kurso, lumuwas siya sa Maynila mula Butuan City.

Sa kabila ng hirap, nariyan ang kaniyang nobyong si Gabrielle John Garcia, na ahente noon ng kotse. Nagrenta sina Princess at Gab ng simpleng kuwarto na walang bintana, at pinagkakasiya ang P300 kada araw.

Ang nagsasalba umano noon sa kanila tuwing petsa de peligro, ang naka-pack nang spaghetti, na kinakain nila dalawang beses sa isang araw.

Hanggang sa mag-apply si Princess bilang book specialist sa isang bookstore, at nawili sa pagbabasa ng mga libro.

Iniwan din ni Princess ang naturang trabaho kinalaunan, at naging English tutor para sa Korean students at quality assurance analyst.
Pagkaraan ng dalawang taon, naging "freelancer" siya sa isang online business.

Kasama sa kaniyang mga ginagawa ang pag-propose ng marketing strategy, product shoot, ads at pag-manage ng social media pages ng mga kliyente.

Noong una, para makasagap ng mabilis na libreng wi-fi sa kanilang negosyong "freelancer," nagpupunta sila mga coffee shop at iyon ang ginagawa nilang "opisina."

Nagbunga naman ang kanilang pagtitiyaga dahil nakakuha sila ng unang kliyente, at kumita sila agad ng P100,000.

Ang dating may suweldo lamang na P350 kada araw, kumikita na ngayon ng mahigit P1 milyon kada buwan.

Ikinasal sina Princess at Gab nitong nakaraang taon. Dalawang buwan lamang nilang pinag-ipunan ang gastusin sa kasal, na umabot ng halos P500,000.

Bukod dito, nakabili na rin sila ng sariling lupa at nakapagpundar ng dalawang condo unit, at meron na silang brand new car.

Susunod na nilang paghahandaan ang kanilang dream house.

Gayunman, hindi maiwasan sa buhay ng mag-asawa ang pagsubok nang makaranas si Princess ng miscarriage.

“At some point sinisi ko rin ‘yung sarili ko, baka dahil hindi ko inaalagaan ‘yung sarili ko nang maigi. Iniisip ko na lang kaya hindi pa siya talaga binigay ni Lord is dahil baka meron pang better future na darating para sa kaniya,” sabi ni Princess.

Payo naman niya sa mga katulad niyang dumaan din sa mga pagsubok sa buhay, "Lahat ng pinagdadaanan niyo ngayon is part siya ng journey niyo. Huwag kang mag-stay doon sa mga struggles na ‘yun. Ang mahalaga roon si meron kang action na ginagawa para makaalis doon sa mga struggles na ‘yon.”
--FRJ, GMA Integrated News