Nahuli-cam sa Dagupan City, Pangasinan ang pagsalakay ng isang lalaking kawatan sa isang dormitoryo. Ang kaniyang pinuntirya, mga panty lang ng mga boarder at inisnab ang mga alahas.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, nakuhanan sa CCTV camera ang suspek na nagawang makapasok sa gate ng compound ng dormitoryo sa Barangay Tapuac.

Umakyat ang suspek patungo sa isang kuwarto. Ilang minuto pa ang lumipas, lumabas na ang lalaki na may bitbit na bag.

Ayon sa pamunuan ng dormitoryo, mga panty ng kanilang mga boarder ang laman ng bag.

"Kinuha yung bag iniwan yung mga alahas. At kinuha yung panty lang. Yung ang nawawala [mga panty]. Last week naramdaman nila na may nagbubukas ng pinto nila," sabi ni Edwin Damasco, caretaker ng dormitoryo.

Kinumpirma naman ng barangay na may tatlong babae ang nagreklamo sa kanila matapos manakawan ng mga panty.

Dahil madilim ang kuha sa CCTV, hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Pinaigting na ng dormitoryo ang pag-iingat sa kanilang lugar, habang paiigtingin din ng barangay ang pagroronda. --FRJ, GMA Integrated News