Natagpuang walang saplot at halos naaagnas na ang katawan ng isang 14-anyos na dalagita matapos siyang gahasain at patayin umano ng tatlong lalaki sa Camarines Norte. Ang pangyayari, kinunan pa ng video at ipinapanood pa ng mga salarin sa iba.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing natagpuan ang biktima sa mabundok na bahagi ng Jose Panganiban.

Ayon sa pulisya, apat na araw nang hindi umuuwi ang biktima.

Lumabas sa imbestigasyon na lumutang ang isang testigo na sinabing napanood niya ang video ng aktuwal na krimen na ipinakita sa kaniya ng isa sa mga salarin.

Dahil sa kaniyang takot at awa sa sinapit ng dalagita, isinumbong niya ito sa pulisya at itinuro ang kinaroroonan ng mga salarin.

Huli ang isang 19-anyos na suspek at isa pang menor de edad, na sila ring nagturo sa mga awtoridad kung nasaan ang katawan ng dalagita.

Patuloy na hinahanap ngayon ang isa pang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News