Arestado ang isang lalaki matapos umanong manaksak ng anim na tao sa Baguio City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Base sa imbestigasyon, sinaksak ng suspek ang anim na nadaanan niya mula sa Lion Park sa Governor Pack Road hanggang sa isang hotel sa Kisad Road.

Nahuli ang suspek sa ikalawang palapag ng hotel.

Ayon sa pulisya, ipasusuri muna sa espesyalista ang suspek dahil tila raw may diperensiya ito sa pag-iisip.

Nasa mabuting kalagayan na ang mga biktima at isa na lang ang inoobserbahan sa ospital.

Inihahanda na ang reklamong multiple frustrated murder laban sa suspek. —KBK, GMA Integrated News