Patay ang isang babae sa Tondo, Maynila matapos umanong barilin ng kaniyang kasintahan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.

Dalawang tama ng bala ang kumitil sa buhay ng 19-anyos na biktimang si Roselyn Poquinto, na natagpuang duguan at wala nang buhay nitong Miyerkoles ng gabi sa bahay ng kaniyang kasintahan sa Barangay 128.

Kinilala ang suspek na si Bart Cariño, na sumuko na sa mga pulis ilang oras matapos ang krimen.

Natagpuan ang bangkay ng biktima nang mag-report sa pulisya ang isa pang kinakasama ng kaniyang boyfriend.

Sa kuha ng CCTV sa building kung saan siya nakatira, makikitang umalis si Cariño sakay ng kaniyang motorsiklo ilang minuto bago natagpuan ang bangkay ni Poquinto.

Ayon kay Belson Dablo, kapatid ni Poquinto, nagsumbong sa kaniya ang kapatid niya matapos nilang mag-away ni Cariño.

"Kasi nagsumbong na po siya. Napaputukan na raw siya ng baril. Doon po ipinutok sa may tiles sa CR," ani Dablo.

Napag-alamang malimit mag-away ang magkasintahan at ilang beses nang pinagbantaan ni Cariño si Poquinto. Nagkakabati rin daw ang dalawa matapos suyuin ng suspek ang biktima.

Sumuko sa pulisya si Cariño nitong Huwebes ng madaling araw. Ayon sa pulisya, sumuko ang suspek sa takot na balikan siya ng pamilya ng biktima.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ayaw makipaghiwalay ng suspek sa biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag si Cariño. —KBK, GMA Integrated News