Sumuko ang isang 17-anyos na lalaki na umamin na siya umano ang pumatay sa 15-anyos na babae na nadiskubre ang bangkay sa isang abandonadong bahay sa Laak, Davao de Oro noong nakaraang Oktubre.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na sinamahan ng mga magulang ang suspek nang sumuko noong Nobyembre 9, 2025.
Inilahad umano ng suspek na nitong nakaraang Abril niya napatay ang biktima sa pamamagitan ng pagsakal.
Batay pa rin umano sa kuwento ng suspek, nakilala niya sa daan ang biktima malapit sa kanilang bahay at inaya ng inuman.
Matapos ng inuman, dinala niya ang biktima sa isang abandonadong bahay sa Purok 3A kung saan niya ginawa ang krimen.
Sinadya raw niya ang pagpatay sa biktima dahil sa galit bunsod ng pang-iinsulto umano nito sa kaniyang kinakasama.
Inalisan umano niya ng saplot pang-ibaba ang biktima para palabasin na pinagsamantalahan ito. Oktubre na nang madiskubre ang bangkay ng biktima.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong isasampa sa suspek, na pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) dahil sa pagiging menor de edad nito.—FRJ GMA Integrated News
