Isang Pinay nurse ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas matapos na tumanggap ng pagkilala mula sa 2025 Freddie Webster RN Award for Nursing Excellence sa Amerika.
Ang binigyan ng parangal ay si Ruby Renconada Soriano, MSN, RN, na nakabase sa Jacksonville, Florida. Ang 2025 Freddie Webster RN Award for Nursing Excellence ay isang prestihiyosong pagkilala sa larangan ng oncology nursing.
Ayon sa anunsyo ng WeCareJax, isang non-profit organization, kinilala si Soriano dahil sa kaniyang trabaho bilang oncology nurse navigator sa The Jacoby Breast Center ng Mayo Clinic.
May mahigit isang dekadang karanasan si Ruby sa oncology nursing, patient navigation, at clinical program management. Inilarawan siya na, "dedicated to guiding and advocating for patients throughout their cancer journey."
Inihayag din na mahalaga ang pamumuno niya, "in advancing patient-centered care, program development, and healthcare quality," at kapuri-puri ang kaniyang malasakit at kahusayan.
Dating nagtrabaho si Ruby sa Ascension St. Vincent’s sa Jacksonville, kung saan siya nagbigay ng hospital care. Aniya, ang parangal ay hindi lamang sumasalamin sa kaniyang pagsisikap kundi maging sa dedikasyon ng kaniyang dating team sa paglilingkod sa vulnerable communities.
Ang WeCareJax o We Care Jacksonville, na nakabase sa Florida, ay isang network ng volunteer medical professionals, hospital, at community clinics na nag-uugnay sa humigit-kumulang 1,700 hanggang 2,000 pasyente sa medical care bawat taon.
Ang tagumpay ni Soriano ay patunay ng patuloy na malaking ambag ng mga Pilipinong nurse sa Amerika, mga propesyunal na patuloy na nagpapataas ng antas ng global healthcare sa pamamagitan ng husay, puso, at walang humpay na dedikasyon sa pangangalaga sa mga pasyente. — FRJ GMA Integrated News
