Umabot na sa 37 katao ang iniulat na nasawi sa pagtama ng magnitude 7.8 sa Mindanao, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Sa isang update ngayong Martes, sinabi ni OCD deputy spokesperson Diego Mariano na hanggang nitong 6:00 a.m, 33 ang iniulat na namatay sa Soccsksargen (18 sa Sarangani, 12 sa General Santos City, at 3 sa South Cotabato). Apat naman ang nasawi sa Davao Region.

Sa panayam sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo, na natamaan ng mga nahulog na debris ang karamihan sa mga nasawi.

May kabuuang 456 katao ang nasugatan at apat katao ang nawawala, at naapektuhan ang 17,689 pamilya o 77,186 katao sa Mindanao.

Nananatiling nakatuon sa General Santos City at Sarangani ang search, rescue, and retrieval operations, mga lugar na pinakamatinding napinsala, ayon kay Castillo.

“Kung tutok doon sa nangyari kasi ang tinitingnan natin ngayon, General Santos City and then 'yung Sarangani, so dito sa Region 12. So doon ang tutok ng ating mga search, rescue, and retrievals,” ayon kay Castillo.

Isinailalim na sa state of calamity ang General Santos City.

“Pero ganu'n pa man, some other areas also ay nandoon din 'yung ating mga responders,” dagdag ni Castillo.

Ipinadala na rin ang responders para tumulong sa isinasagawang operasyon.

Batay sa mga inisyal na pagsusuri, siyam na tulay at 19 na kalsada ang nasira. Tinataya rin ng OCD na mahigit P900 milyon ang pinsala sa imprastraktura batay sa mga inisyal na inspeksiyon.

Nakapagtala ang mga awtoridad ng 1,889 na mga nasirang bahay, na humigit-kumulang 1,500 ang tuluyang nawasak.

Sinabi ni Castillo na wala pa namang lugar na opisyal na idineklarang isolated sa kabila ng pinsala sa mga kalsada at tulay, at idinagdag na naihanda na sa iba't ibang lokasyon ang relief supplies.

Naipadala na rin ang mga generator at gasolina sa mga ospital at iba pang kritikal na pasilidad na naapektuhan ng pagkawala ng kuryente.

Napinsala ng lindol ang General Santos International Airport, na nagdulot ng pagkansela o pagbabago ng ruta ng mga flight. Gayunpaman, pinayagan ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang mga sasakyang panghimpapawid ng militar, mga flight ng gobyerno, at mga humanitarian flight na gamitin ang General Santos Airport, batay sa utos ng Department of Transportation.

Maraming residente ang nanatili sa mga bukas na lugar sa gitna ng patuloy na mga aftershock at mga pangamba tungkol sa integridad ng istruktura ng kanilang mga tahanan.

Ikinokonsidera ng gobyerno ang pagtatatag ng mga temporary shelter at tent cities para patuluyin ang mga residenteng nawalan ng tirahan habang patuloy ang mga pagsisiyasat ng pinsala at recovery efforts.

Samantala, sinuspinde ang mga klase sa ilang lugar nitong Martes, Hunyo 9, dahil sa epekto ng malakas na lindol.

SM Markets sa General Santos City

Pansamatala munang isinara ang stores ng SM Markets sa General Santos City matapos ang pagyanig ng 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao.

"Our stores in General Santos City will be temporarily closed until further notice as we prioritize the safety of our customers and employees. Safety checks in coordination with the LGU and relevant authorities are ongoing across our stores,” sabi ng SM Markets sa isang pahayag, na iniulat sa Unang Balita nitong Martes.

Wala pang detalye sa kasalukuyan kung kailan muling magbubukas ang SM Markets.—Jamil Santos/FRJ GMA News