Patok ang isang ready-to-eat chicken breast ng isang entrepreneur sa mga fitness enthusiast at health-conscious dahil bukod sa mababa sa taba at calories, guilt-free at pasok pa ito sa diet. Ang kita ng kaniyang negosyo, umaabot umano ng hanggang ₱80,000 kada buwan.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, ibinahagi John Michael So, owner ng Macro Eats Manila, kung paano niya naisipan ang kaniyang negosyo.
“Nu’ng nag-travel ako abroad, naghahanap ako ng mga protein sources. Kaya nu'ng pagpunta ko du’n sa isang convenience store, nakakita ako ng chicken breast na ready-to-eat. Kaya naman mas na-inspire akong gawin 'yun kasi nagfi-fitness program ako na may high protein siya,” kuwento niya.
Ayon kay Michael, mataas na protein ang kailangan nilang maabot kada araw sa kanilang fitness program.
Nang malaman niya na may market sa iba, itinuloy na niya itong ibenta sa iba.
Pagdating sa pagdiyeta, mas pahirapan ang paghahanda ng pagkain kaysa pag-workout, kaya naisip ni John Michael na gumawa ng meal plan na madaling kainin.
Isang chef si John Michael kaya ipinuhunan niya sa pagnenegosyo ang kaniyang karanasan sa pagluluto.
Sa isang rice cooker lang niya niluluto noon ang kaniyang recipe na chicken breast.
Pagkakuha sa tamang timpla, saka naglabas si John Michael ng P5,000 hanggang P10,000 para sa kaniyang negosyo. Mayroon siyang partikular na supplier na nagsu-supply sa kaniya ng chicken breast.
Mahigit anim na buwan nang mag-isa sa pagluluto ng chicken breast si John Michael, na inaalalayan ng kaniyang kapatid sa pagpa-pack. Ginagawa lang nila ang lahat sa kanilang bahay.
Matapos hugasan ang petso ng manok, handa na ito sa brining, o pagbabad ng chicken breast sa tubig na tinimplahan ng mga pampalasa ng walo hanggang 10 oras.
Mahalaga ito para manatiling moist, malambot at juicy ang manok.
Pagkatapos ng brining, bahagya munang patutuyuin ang petso bago i-coat sa flavorings, at ilalagay sa plastic pouch at iva-vacuum seal. Saka ito iluluto sa tinatawag na “sous vide.”
“Ang sous vide ay isang French cooking method siya na water bath. Long process siya, unlike sa mga grilling at saka mga pan-fry, nagte-take siya ng almost an hour above. Naka-controlled temperature siya doon sa particular na gusto mong temperature, which in our case, naka 63 to 64 degrees Celsius kami,” sabi ni John Michael.
Pagkatapos ng sous vide, ibababad ang petso sa tubig na may yelo ng kalahating oras at puwede nang i-chiller o freezer.
Maaari itong i-reheat sa microwave oven ng isa hanggang dalawang minuto o kaya i-pan-sear kung gustong kainin nang mainit.
Apat ang flavors ng ready-to-eat chicken breast ng John Michael na garlic, taco, cajun, at ang bestseller na salt and pepper.
Ang mga customer, madalas gawing topping sa salad at nachos, at paborito rin palaman sa sandwich ang chicken breast ni John Michael.
Tiniyak pa ni John Michael na tama ang nutritional facts ng kaniyang produkto sa tulong ng kanilang dietician.
“Siya 'yung nag-monitor ng mga sodium content, 'yung protein content. So, lahat kami naka-measured talaga ang aming ginagawa. 'Yung product natin is more on lean protein talaga siya. Iyon 'yung kailangan din naman ng ating katawan. Tapos sasabayan mo lang siya ng mga vegetable. And then, ang kagandahan niya is calorie-counted na siya,” paliwanag niya.
Mabibili ang ready-to-eat chicken breast na may iba't-ibang sukat ni John Michael sa halagang P380 hanggang P840. Tumatagal ito ng tatlo hanggang limang araw kapag nasa chiller, at hanggang dalawang buwan kapag inilagay sa freezer.
Kumikita ang kanilang negosyo ng aabot sa P60,000 hanggang P80,000 kada buwan.
“Ang plano natin sa future din na itong business na ito is 'yung maraming pa tayong matulungang Pinoy na maging health-conscious. At saka doon naman sa mga nag-hit na ng mga protein needs nila and everything 'yung talagang nagiging conscious na sa pagkain nila is maging tulay tayo o masuportahan natin sila para sa kanilang mga pangangailangan,” sabi ni John Michael. – FRJ GMA News
