Abra's tip on how to be a Youtube sensation: 'Hindi kami nakikipag-compete' | GMANetwork.com - Radio - Articles

Just do what you love and the views will follow, Abra advises.

Abra's tip on how to be a Youtube sensation: "Hindi kami nakikipag-compete"

By AEDRIANNE ACAR


 
Gumawa ng ingay si Abra hindi lang sa mundo ng Fliptop battle, kundi pati na rin sa Philippine music industry, sa pamamagitan ng kantang Gayuma.

Ang tila may bato balaning Gayuma, na nagsilbing big break niya, ay may 29 million views na sa Youtube as of July 2014.

Sinundan niya ang phenomenal single na ito with more hits like Ilusyon at Diwata. Nasa Top 8 ng The Big 10 this week ang collaboration niya with actress Maja Salvador na Halika Na.

Sa gitna ng tagumpay ni Abra (Raymond Abracosa sa tunay na buhay), mapagkumbaba pa rin siya at hindi iniisip ang kompetisyon with other OPM artists in terms of album sales.

Sa panayam ng GMANetwork.com kay Abra sa Sikat sa Barangay, mas binibigyan niya raw ng atensyon ang maraming tao na natutuwa sa pag-rap na itinuturing niyang art form.

“Hindi kami nakikipag-compete. Gawa lang kami nang gawa ng music.  At saka siyempre mahilig talaga kaming magsulat at nakakatuwa rin kasi ‘yung mga tao. Parang tuwang-tuwa sila sa rap, sa art form namin. Andoon ‘yung appreciation na hindi common sa hip hop a few years back,” ani Abra.

Dagdag pa niya, “So ngayon nakakatuwa na parang wow! Nakaka-overwhelm. Nakaka-inspire, mas nakaka-energize.”

Sino naman kaya ang iniidolo niya? 

Aniya, “Mga tropa [ko] sina Loonie, (at) Ron Henly. Siyempre sobrang daming kanta ni Gloc 9, tsaka siyempre si Sir Francis M. Sa local, sa iba’t iba pang mga underground artist din. Kasi kuha ko rin ‘yung mga mix tape dati, mga underground.”

Patunay ng pagiging skilled rapper ni Abra ang awards na napanalunan niya bilang Best New Artist, Best Collaboration, at People's Choice Awards sa Wave 89.1 Urban Music Awards 2013. Wagi din siya para sa single niyang Gayuma sa Best Urban Video at Favorite Music Video sa Myx Music Awards 2013.