EXCLUSIVE: Bakit naiyak si Rowena Salvacion nang malamang siya ang host ng 'S.O.S' sa DZBB? | GMANetwork.com - Radio - Articles

Umamin ang batikang radio reporter na si Rowena Salvacion na overwhelmed siya nang malaman niyang siya ang ang host ng bagong public service program ng Super Radyo DZBB na  'Serbisyo On The Spot' (S.O.S).

EXCLUSIVE: Bakit naiyak si Rowena Salvacion nang malamang siya ang host ng 'S.O.S' sa DZBB?

By AEDRIANNE ACAR

Umamin ang batikang radio reporter at 2018 Radio Female Broadcaster of the Year ng Rotary Club of Manila (RCM) na si Rowena Salvacion na overwhelmed siya nang malaman niya na siya ang host ng bagong public service program ng Super Radyo DZBB na Serbisyo On The Spot (S.O.S).

READ: Rowena Salvacion, pangungunahan ang bagong public service program sa Super Radyo DZBB

Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com kay Rowena, overwhelming ang bagong responsibility na ito, ang maging tulay ng mga ordinaryong tao at ng mga ahensya ng gobyerno.

Saad niya, “Nakaka-overwhelm kasi alam mo pag nanatili ‘yung passion mo sa trabaho mo, wala kang problema dun. Parang ibang challenge dahil public service nga siya kumpara sa ginagawa ko dati na pagde-deliver ng news everyday.

“Hindi ka na nagco-cover sa labas kundi ikaw na ‘yung daan ng mga tao para magkaroon ng ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno.

“’Yung mga ordinaryong mamamayan marami silang concern sa government agencies, hindi nila alam kung papaano ilalapit ang problema. So ‘yun, doon tayo papasok sa gap na ‘yun.”

Ni-reveal din ng DZBB anchor na halo-halo ang kaniyang emosyon nang sabihan siya ng kaniyang mga Radio GMA boses na siya ang magiging host ng S.O.S.

Paliwanag ni Rowena, “Una gusto kong maiyak, kasi sobrang mahal ko ang pagka-reporter ko, alam mo ‘yun. Wala akong nakitang ibang path ng buhay ko kundi mag-reporter ako. Sabi ko parang kahit hanggang uugod-ugod na ako, hangga’t kaya ng tuhod ko, magre-report ako sa labas.”

Mas naging maluwag daw sa loob ni Rowena na tanggapin ang hamon na ito nang sabihan siya ng kaniyang News Director sa Super Radyo DZBB na kailangan niyang mag-step up.

“Pero sabi ni Ate Norie, ang News Director namin ‘Hindi forever dapat nagro-roving ka, kailangan mo rin magstep-up.’”

“Tumatak ‘yun sa akin, sabi ko kung nakikita ‘yun ng News Director ko para sa akin kailangan tanggapin ko ‘yung challenge sa sarili ko. Ang hamon ko na lang sa aking sarili na mag-step up ako, mag-level up ako, doon sa expectation na ‘yun.”