Papa Obet at Papa Dudut, nabibigla na mas kilala na sila ng mga tao ngayon | GMANetwork.com - Radio - Articles

"Nagpapa-picture sila, at nare-recognize nila ako," kuwento ni Papa Obet kay Tito Boy Abunda.

Papa Obet at Papa Dudut, nabibigla na mas kilala na sila ng mga tao ngayon

By AARON BRENNT EUSEBIO

Aminado ang dalawang batikang DJs ng Barangay LS Forever na sina Papa Obet at Papa Dudut na nakikilala na sila ngayon ng mga tagahanga nila.

Sa mahabang panahon kasi ay hindi alam ng mga tao kung sino ang tao sa likod ng boses na napapakinggan nila sa radyo.

"Dati, nakakapaglakad kami nang komportable sa mall na walang nakakakilala sa 'yo. Ngayon, meron ng tumatawag ng pangalan mo," saad ni Papa Dudut sa panayam nila ni Papa Obet sa Fast Talk with Boy Abunda.

Dagdag ni Papa Obet, "Nagpapa-picture sila, at nare-recognize nila ako. Nagugulat ako kasi sinasabi ko sa sarili ko na ganun ba ako kakilala kasi nasa radyo lang ako, wala naman ako sa TV."

Kinuwento rin ni Papa Obet na nakatanggap siya ng ilang mensahe sa fans niya na sana ay maging magkarelasyon sila.

Paglalarawan niya, "Mga nagme-message, oo. Hindi lang 'yun, bigyan ko raw siya ng anak, like that. 'Papa Obet, bigyan mo ko ng anak,' parang ganon."

Bukod sa pagiging DJ, si Papa Dudut rin ang voice over ng Family Feud. Samantala, isa ring singer/composer si Papa Obet sa ilalim ng GMA Music.