Hannah Precillas, itinuturing si Bianca Umali na pampasuwerte sa kanyang career | GMANetwork.com - Music - Articles

Kung maaari raw, nais din ni Hannah Precillas na ipagamit ang kanyang bagong single sa pagbibidahang programa ni Bianca Umali.

Hannah Precillas, itinuturing si Bianca Umali na pampasuwerte sa kanyang career

By CHERRY SUN

Ibinahagi ni Hannah Precillas na tila may dalang suwerte para sa kanyang career ang kanyang kapwa Kapuso star at GMA Music artist na si Bianca Umali.

 

Hannah Precillas and Bianca Umali

 

Bago magtapos ang Setyembre ay ni-release ni Hannah ang kanyang bagong kantang pinamagatang “Sabi Ko Na Nga Ba.” Ibang-iba ang kanyang bagong single kumpara sa ballad at birit songs na nakasanayang pakinggan ng kanyang fans.

Kuwento ni Hannah tungkol sa mensahe ng kanyang kanta, “Hindi natin maiiwasan ‘yung ganung bagay na minsan pinipigilan talaga nating sabihin eh. Pero ang sa akin lang, siguro natutunan ko na kung kailangan ko talagang sabihin sa isang tao, towards sa isang tao, habang may chance ka, gawin mo. Kasi isa sa pinakamahirap sa buhay ‘yung pag may hindi ka nagawa tapos in the future, pagsisisihan mo.”

Ngayong mas bukas sa challenge si Hannah kaugnay ng kanyang musika at tunog, hindi raw niya makakalimutang balikan ang sa tingin niya ay nagdala ng suwerte sa kanyang career.

Para sa kanya ay malaki raw ang naitulong sa kanya ni Bianca. Si Hannah kasi ang boses sa likod ng “Kanlungan,” ang theme song ng Kambal, Karibal na pinagbidahan ng batang aktres.

At kung mabibigyan daw ng pagkakaton, nais muling ipagamit ni Hannah sa pagbibidahang programa ni Bianca ang kanyang kanta.

Aniya, “Kasi parang naging suwerte sa akin si Bianca. Kasi nung nag-record ako ng pinakaunang theme song sa GMA, si Bianca ang bida. Tapos nangyari ‘yung Kambal, Karibal, doon naman ako nakilala at tinawag nilang OST Princess. So ngayon naiisip ko na pag si Bianca ang bida, go! So naiisip ko pag may bagong teleserye na naman si Bianca, why not gamitin ‘yung kanta ko ‘di ba.”