Kamakailan nagbigay ako ng commencement speech sa mga magtatapos sa tatlong senior high school sa isang joint ceremony sa Maynila. Ang susunod ay bahagi mula sa aking talumpati.
---
Sinasabi ng matatanda na karaniwan noong una ang kagandahang asal. Kaya may tradisyon tayong bayanihan, pagtulong sa kapwa, sama-samang pagkakarga ng mabigat upang ito ay gumaan.
Ang laki ng pinagbago ng panahon. Ang dami sa ugnayan ng tao ay online na, kung saan ang kagandahang asal ay nilulunod ng insulto, kabastusan, at minsan ay pagbabanta pa. Madalas ay dahil sa mga kumakalat na kasinungalingan.
Nagugulat na lang ako kapag ang mga kilala kong mababait na tao ay nagbibitiw ng ‘di kanais-nais na salita sa social media.
May mga pag-aaral na nagsasabing ang galit ang pinakamabilis kumalat na emosyon sa social media, higit pa sa kasiyahan o kalungkutan. Baka ito ang dahilan kung bakit napakadaling tanggapin ng iba na karahasan ang solusyon sa ordinaryong suliranin, at madali ring isipin na may mga tao o uri ng tao na hindi kailangang ituring bilang tao.
Hindi ko mawaring ngayon o sa kalaunan ay magiging mabuti ito para sa ating lipunan. Kaya nga ang pinakamagandang pansangga sa ganitong pagngingitngit ay kumalas pansamantala sa social media. O maaari ring pansamantagal. Social media fasting, ika nga, para sa ating mental health.
Ito ang hamon ng ating panahon. Madaming industriya at kabuhayang nagiging online na. Malaking bahagi ng edukasyon, mga hybrid na klase, ay online, kaya ang kaharap lagi ay mga screen. Marami-rami na rin ang nanagot para sa kanilang masamang ugali na nahuli sa social media.
Malaking bahagi na rin sa oras ko sa bawat araw ay online. Pero mayroon din akong gawain sa telebisyon, na bahagi na ngayon ng tinatawag na legacy media. Naniniwala pa rin akong mahalaga ang papel ng telebisyon sa lipunan, dahil marami sa atin ang sabay-sabay nanonood nito kasama ng pamilya, hindi gaya ng internet na karaniwang gawain ng mag-isa.
Isang dahilan kung bakit mahal ko ang trabaho ko sa journalism ay ang pagsasalamuha ko sa napakaraming uri ng tao.
Sa paggawa ng mga storya, hindi uubra kung online lamang ang mga interbyu. Kailangang nandoon ka mismo, harap-harapan o face to face, ika nga.
Ibabahagi ko lang sa inyo: Naisip kong maging dokumentarista dahil aksidente kong na interbiyu ang aking lola.
Mahigit tatlong dekada nang nakararaan, noong dekada nobenta, kailangan kong mag practice gumamit ng bagong video camera. Inupo ko ang lola ko sa sala at kinausap ko lang siya habang nagrerecord ang camera. Ang dami pala niyang kuwento, tungkol sa pagpapalaki ng anim na maliliit na anak sa gitna ng giyera, tungkol sa aking ina noong siya’y bata pa.
Nagkaroon ako tuloy ng isang family treasure na nasa akin pa, kahit matagal nang nawala ang aking lola. Doon ko naisip na magandang gawing trabaho ang pag record ng mga conversation sa mga tao at magbuo ng mga kuwento tungkol sa kanila. Yan ang documentary.
Lahat ng tao may kuwento. Kulang lang ng masisigasig at matiyatiyagang magpapakuwento.
Kaya may assignment ako sa inyo sa linggong ito. Iupo niyo ang lola o lolo tulad ng ginawa ko, o magulang o kahit sinong nakatatanda sa inyo… at kausapin niyo, magpakuwento kayo, habang nag rerecord kayo, maski audio lang. Simulan niyo lang sa tanong na, “Anong pinakamagandang alaala niyo sa inyong kabataan?” Baka magulat kayo sa mga malalaman ninyo. Baka maging family treasure din ang recording.
Sa ganitong pagsasalamuha lumalalim ang ugnayan at pagmamalasakit. Baka matuklasan niyo rin na ang ganitong gawain ay maaari pang gawing hanap buhay.
Sa mga nakatatanda sa inyo, madalas kong marinig na ang kabataan ngayon, kayong mga Alpha o GenZ, ay makasarili, self-centered, laging nakatutok ang camera sa sarili… the Selfie Generation ika nga. The Me-me-me Generation.
Pero hindi yan mahirap itama. Baliktarin lang ang camera para nakatutok sa lolo’t lola, sa kapwa, sa mundo. Ang Me Generation kayang-kayang maging the WE Generation, mga kabataang magiging maalam at nagmamalasakit sa mundo para sama-sama ninyong ayusin ito.
Congratulations 2025 graduates at sa inyong mga pamilya. Maraming salamat po at mabuhay kayong lahat!