
Dinala sa ospital si Senator-elect Robin Padilla matapos makaramdam ng labis na panghihina habang namamasyal sa isang parke sa Spain kasama ang kanyang pamilya.
Sa isang Facebook post, idinetalye ng incoming senator ang pangyayari kung saan unti-unti siyang nanghina at bumagsak.
Aniya, "Napakahirap intindihin ng nangyari sa akin. Wala akong kahit anong sakit pero bigla na lang ako nawalan ng lakas sa tuhod ko habang naglalakad sa parke dahilan para kagyat ako umupo sa ilalim ng puno. Nagdilim ang paningin ko at bumagsak ako sa puno sa likod ko."
Isang banyaga ang tumulong kay Robin at inalalayan siya sa palabas ng parke dahil kasalukuyang nasa isang rides ang asawa niyang si Mariel Rodriguez-Padilla at anak nilang si Isabella.
Humingi rin siya ng tulong sa kanyang kababata at sa ambassador ng Pilipinas sa Espanya na si Philippe Jones Lhuillier upang dalhin siya sa ospital.
Nang makakita ng clinic, agad daw na pumasok dito si Robin at sinalubong naman siya ng nurse na naroon.
Kuwento niya,"Pagtingin ko sa kaliwa ng entrance gate nakita ko ang clinic, pinuntahan ko agad ito pumasok at sinalubong ako ng nurse na marunong mag-Ingles.
"Sinabi ko sa kanya ang nangyayari sa akin. Pinaupo niya ako kinunan ng BP [blood pressure] 200/150. Nagulat ang nurse, inulit ganoon ulit.
"Nagdesisyon siyang tumawag ng ambulance, ilang saglit dumating na si Mariel at si isabela. Nagkaroon ako ng ngiti at nakabawas ng pagkagulo ng isip."
Sakay ng ambulansya, dito ay pinainom ng gamot ang senador at nang ma-monitor na bumaba na ang kanyang BP ay tinanggal na ang mga aparato sa kanya.
Personal din na nagtungo si Ambassador Lhuillier sa kinaroroonan nila at nagdesisyon itong dalhin na rin sa ospital si Sen. Robin upang mas masiguro ang kanyang lagay.
"Dumating si Sir ambassador, nagdesisyon siya na dalhin ako sa ospital para mas ma-examine.
"Nagpunta kami ni Mariel kasama ang embahada sa private hospital parang Pilipinas din kailangan ang deposito.
"May mga test ang ginawa sa akin, blood test, X-ray, urinalysis, lahat ay normal," ani Robin.
Masaya ring ibinalita ni Robin na mabuti na ang kanyang kalagayan at kasalukuyan na silang nagpapahinga.
Aniya, "Binigyan Lang ako ng gamot sa high blood good for 5 days. Nakauwi na ang lahat at makapahinga.
"Maraming salamat din sister Jo. Alhamdulillah, In shaa Allah dala lang sana ito ng pagtanda in shaa Allah."
Matatandaan na si Robin ang nanguna sa botohan sa mga kandidato sa pagka-senador nito lamang nagdaang eleksyon 2022.
Samantala, kilalanin naman ang iba pang celebrities na nanalo ngayong eleksyon 2022 sa gallery na ito.