Showbiz News

EXCLUSIVE: Sugar Mercado, labis ang pasasalamat kay Willie Revillame

By Cherry Sun

 

May pinagdaanan man sa kanyang personal na buhay si Sugar Mercado, masaya pa rin siya sa kanyang kinatatayuan ngayon. Aniya sa exclusive interview ng GMANetwork.com, malaki raw ang naitulong sa kanya ni Willie Revillame.

Sa kabila ng kanyang laban para sa kanyang dalawang anak, nananatiling positibo at nagpapasalamat ang Wowowin co-host.

Sambit niya, “Oo, sobrang masaya… Feeling ko pag humiling pa ako, parang sobra na. Thank you na lang nasasabi ko sa Diyos kasi [sa] sobrang binibigay niya sa akin. Hindi siya nagkukulang para sa akin, sa pamilya ko, sa mga tao sa paligid ko. Dumadating ‘yung pagsubok, pray lang. Laban lang, ganun talaga ‘yung buhay eh. Parang kailangan mo lang talaga magpakatatag sa life.”

Malaki raw ang papel ni Willie para makapagpatuloy si Sugar sa kabila ng kanyang mga problema.

“Marami na po siyang naitulong sa akin. Minsan nga ‘yung parang hindi ka nakakapagsalita dahil sobra-sobra na ‘yung naitulong niya sa akin mula umpisa.  Na-ospital ako, siya nagpagamot sa akin. May mga ganun na hindi alam ng tao na syempre sa akin malaking bagay ‘yun kasi may anak ako,” kuwento niya.

“Kapag naisip mo ‘yun, parang lalo mong gagalingan sa trabaho mo, aayusin mo kasi ‘yung ibinibigay naman talaga niya sa ’yo na tulong ay talagang alam mo ‘yun, sa iba hindi mo ‘yun makukuha,” dagdag din ni Sugar.

Kaya naman, puro kabutihan lang din ang hiling niya para sa Wowowin host.

Pahayag niya, “Gusto ko lang good health lang lagi kasi maraming marami pa siyang matutulungan. Hindi lang ako, ang dami pa, kasi mabuti ‘yung puso ni Kuya. And mahal na mahal ko siya, alam niya ‘yun. All support ako sa kanya in the end, and thankful ako sobra sa ibinigay niyang chance sa akin. Habang buhay ko ‘yun tatanawin na utang na loob ko.”