Showbiz News

EXCLUSIVE: 'Kapuso Mo, Jessica Soho,' naging daan para makabalik sa showbiz ang 'Lumen's twins'

By Michelle Caligan

Dalaga na ngayon sina Charice at Charlotte Hermoso, na mas kilala bilang ang kambal na anak ni Lumen sa Surf commercial noon. Balik showbiz na rin ang dalawa at mapapanood sa upcoming primetime series na Inday Will Always Love You.

LOOK: Where are they now: Lumen's twins from Surf commercial

Ayon sa kambal, huli raw silang sumabak sa pag-arte sa teleseryeng Ilumina noong 10 years old pa lamang sila.

"Nung una po parang iniisip ko kung kaya ko pa ba, pero inisip ko rin na sayang ang opportunity. Baka po rito mas marami pa kaming matutunan bilang artista and as a person," kuwento ni Charlotte sa exclusive interview ng GMANetwork.com nang tanungin kung bakit nila napagdesisyunan na bumalik sa telebisyon.

Dagdag pa ni Charice, "Nakaka-pressure kasi antagal mo nang hindi umarte, 'yung natutunan mo dati ire-refresh mo. Buti na lang tinutulungan kami ng lahat kasi alam po nila na mahihirapan kami."

Ibinahagi rin nila na ang paglabas nila sa isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang naging daan para masama sila sa cast ng Inday Will Always Love You.

Ani Charice, "Naging way po namin is 'yung KMJS. Kasi na-feature kami doon bilang kambal ni Lumen. Hindi po namin akalain na magte-trend po siya. Naka-receive na po kami ng text message [mula] sa production, nagulat po kami."

Doon lang din daw nila muling nakita ang kanilang onscreen lola na si Lola Obang.

"Si Tita January po nasa ibang bansa na, talagang nag-settle na siya for good doon. May anak na rin po siya. Si Lola Obang, 'yung last na kita namin sa kanya, sa Kapuso Mo, Jessica Soho. 'Yung hitsura niya po noong bata kami, ganun pa rin," saad ni Charlotte.

"Nakakaiyak din, parang may something pa rin. Naaalala mo pa rin na parang family kayo kasi antagal din po nun, kahit bata pa kami," wika ng kanyang kakambal.