TV

Magpakailanman presents 'Mula Puso Hanggang Sa Buto: The Blisse Cervantes Story'

Paano haharapin ng isang ama at ina ang pinakamasakit na pagsubok na dinaranas ng kanilang mga anak? Sa harap ng isang malupit na sakit, hanggang saan nila kayang akayin ang mga ito para sa katuparan ng kanilang mga pangarap?

Isinilang ni ELSA (Vivian Foz) ang pangalawa niyang anak na si BLISSE (Joyce Ching) na may kakaibang sakit sa buto na kung tawagin ay Osteogenesis Imperfecta--ang patuloy na pagrupok ng mga buto na pumipigil sa paglaki at normal na pagkilos ng isang tao mula sa kanyang pagkabata hanggang sa pagtanda. Hinarap ito nina Elsa at ng asawa niyang si BOY (Ariosto Reyes, Jr.) nang buong tatag ng loob at pagtitiis kasama ang kanilang panganay na si CYRIL (Lucho Ayala).

Sapat na sana ang ganito kasakit na pagsubok hanggang sa muling magsilang si Elsa ng isa na namang anak na lalaki na may ganoong sakit din, ang kanyang bunsong si ROMMEL. Halos panghinaan na ang kanilang loob at pananampalataya sa Diyos,ngunit nagsilbing lakas at inspirasyon nila ang determinasyon ni Blisse. Sa kabila ng paghamak at pangungutya ng ibang tao kina Blisse at Rommel, hindi pa rin natinag ang pangarap ng magkapatid. Patuloy na nag-akyat ng karangalan sa kanilang pag-aaral sina Blisse at Rommel. Sama-sama ang buong pamilya sa pag-aalaga at pagsuporta sa magkapatid.

Dalawang trahedya ang muling dumating sa pamilya ni Blisse nang mamatay sa lung cancer ang kanilang amang si Boy, kasunod ng pinakamamahal niyang kapatid na si Rommel. Halos ikamatay rin ni Elsa nang iwan siya ng dalawang mahalagang tao sa buhay niya--ang asawa at bunsong anak. Lalong tinatagan ni Blisse ang kanyang loob at itinuloy pa rin ang kanyang pag-aaral. Nagsilbi siyang lakas ng kanyang ina at nangakong ipagpapatuloy ang pangarap ng namatay na ama at kapatid. Nagtapos na Magna Cum Laude si Blisse at nagsilbing inspirasyon sa mga gaya niyang halos panawan na rin ng pag-asa.

Mula sa madamdaming direksyon ni Rechie del Carmen at panulat ni Gina Marissa Tagasa at sa masusing pananaliksik ni Karen Lustica, isa na namang kuwento ng buhay ang ihahatid sa inyo ng Magpakailanman.