
“I'm just so happy na ako yung kasama niya.”
Ito ang nakangiting sagot ng Primetime TV Drama Actress of the Year na si Barbie Forteza nang tanungin siya ng GMANetwork.com tungkol sa work relationship nila ng kaniyang onscreen partner na si David Licauco sa highly-anticipated series na Pulang Araw.
Ayon kay Barbie, mas nakilala niya ngayon si David matapos silang magtambal sa Maria Clara at Ibarra, Maging Sino Ka Man, at pelikulang That Kind of Love.
Aniya, “Ang bago kong na discover kay David dito sa Pulang Araw ay parang mas kalmado na siya ngayon, mas relax na siya compared to our previous projects na parang medyo may pressure, ngayon may pressure pa rin, may challenge pero nakita ko sa kanya 'yung confidence na na-gain niya dahil nag sunod-sunod 'yung projects namin.”
Kuwento ni Barbie, mas confident na rin ngayon si David sa pag-portray ng kaniyang karakter.
“So parang 'yung confidence niya when it comes to acting, when it comes to creating a character nandoon. At saka natutuwa ako sa kaniya kasi kahit siya nanonood din siya ng mga movies with reference to his character, nagri-research na siya tungkol sa character niya, tungkol sa istorya, tungkol sa show, so ang galing kasi ganun na 'yung growth niya as an actor and i'm just so happy na ako yung kasama niya,” ani Barbie.
Dagdag pa niya, “Si David naman sobrang na appreciate ko sa kanya na sinasabayan niya kung ano yung ginagawa ko. So kapag tahimik ako, tahimik din siya. 'Pag nararamdaman niya na nagpe-prepare ako, nagpe-prepare din siya with me, for me.”
Kasama nina Barbie at David sa Pulang Araw ang kapwa Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Alden Richards. Mapapanood din dito si Dennis Trillo sa kaniyang natatanging pagganap.
Unang mapapanood ang Pulang Araw sa Netflix sa July 26, tatlong araw bago ito ipalabas sa GMA Prime sa July 29.
Pero bago ito, magpapakilig muna sina Barbie Forteza at David Licauco sa kanilang first movie together na That Kind of Love na mapapanood sa mga sinehan simula July 10.