'Hindi niya ako inabandona' - Aiai Delas Alas on Vic Sotto | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Tila naging drama ang isang eksena sa 'My Bebe Love' grand press conference nang magkuwento ang Philippine Queen of Comedy na si Aiai Delas Alas tungkol sa reunion movie nila ni Bossing Vic Sotto.

"Hindi niya ako inabandona" - Aiai Delas Alas on Vic Sotto

By CHERRY SUN

Tila naging drama ang isang eksena sa My Bebe Love grand press conference nang magkuwento ang Philippine Queen of Comedy na si Aiai Delas Alas tungkol sa reunion movie nila ni Bossing Vic Sotto.

Matagal na raw gusto nina Aiai at Vic na magkasamang gumawa ng pelikula ngunit hindi raw ito matuloy-tuloy sa nakalipas na tatlong taon.

“Looking forward talaga ako kasi kagaya nga ng sinabi ni Bossing, tatlong taon kami naghintay. Eto na ‘yung tamang panahon so maganda na magkakasama kaming apat (nina Alden Richards at Maine Mendoza),” pahayag ni Aiai.

“[Nang] muling dumating ‘yung panahon na pwede kaming magkasama ulit, hindi na namin pinalusot ‘yung pagkakataon na ‘to,” dugtog ni Vic.

Ang Metro Manila Film Festival entry na My Bebe Love ay maituturing ding comeback film ng Philippine Queen of Comedy na masasabing minsan ay sinawing-palad sa kanyang showbiz career. Kaya naman, hindi maiwasang itanong ng isang sa mga press members kay Vic ang kanyang naging mabilis na pagtanggap kay Aiai.

Paliwanag ni Bossing ay may nabuo na siyang special bond sa actress-comedienne. Aniya, “Kahit anong mangyari hindi ko iiwanan ‘to. Alam mo naman si Aiai, ito lang ang kaisa-isa kong ka-love team sa pelikula.”

Naging emotional si Aiai at sumang-ayon, “Never ako iniwan ni Bossing kahit noon-noon pa. Andun pa ako sa kabila. Kahit sa text, never niya ako iniwan. Hindi niya ako inabandona.”