Patay ang tatlong magkakaibigan sa pamamaril ng mga hindi nakilalang salarin habang nag-iinuman sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi. Ang isa sa mga biktima, nasa drug watchlist umano ng barangay.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na si Joel Inocencio, Jombo Laroci at Charlie Roxas Jr., na pinaslang sa Barangay Sangandaan sa nabanggit na lungsod.

Maaari napasama pa raw sa mga napatay si Gloria Cabrillas na kainuman din ng mga biktima kung hindi siya inayang umuwi ng kaibigang si Marilou Alforte.

Ayon sa dalawa, nakasalubong nila ang mga suspek at pinadapa sila at tinutukan din ng baril.

Hindi pa malinaw kung sino ang mga salarin at kung ano ang motibo ng pamamaril pero lumalabas sa paunang imbestigasiyon na drug  watchlist umano ng barangay si Roxas. -- FRJ, GMA News