Pupulutin sana ng isang batang babae ang kaniyang nahulog na laruan nang aksidenteng maipit ang kaniyang buhok sa escalator sa isang mall sa Davao City nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Balita Pilipinas," sinabing pasado 5 p.m. nang sumakay sa escalator ang bata kasama ang kaniyang magulang, ayon sa isang saksi.

Pababa na raw sila nang mahulog ang hawak na laruan ng bata. Yumuko siya para kunin sana ito pero naipit ang kaniyang buhok, dahilan para siya'y matumba.

Wala namang nagawa ang bata kundi mag-iiyak, habang pilit na inaalis ang kaniyang ulo sa escalator.

Sa kabutihang palad, agad namang napatigil ng staff ng mall ang escalator, at naialis din mula sa pagkakaipit ang bata.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamunuan ng mall sa nangyari.
Nagpaalala ang mga eksperto na magkaroon ng karagdagang pag-iingat at pagka-alisto lalo na kapag may mga kasamang bata sa escalator o sa elevator. —NB, GMA News