Patay ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at nangholdap sa isang overseas Filipino workers matapos silang manlaban sa mga rumespondeng awtoridad sa Maynila.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ang biktimang si "Beverly" na pakikipag-chat gamit ang kaniyang cellphone sa gilid ng kalsada.

Hindi nagtagal, lumapit ang dalawang suspek at tinutukan ng baril ang biktima at kinuha ang kaniyang cellphone bago tumakas.

Isang lalaking nakamotorsiklo naman ang kasunod na dumating at tumulong sa biktima para magsumbong sa pulisya para naitimbre sa mga nagpapatrolyang mga pulis ang mga suspek.

Nang mapadaan ang mga suspek sa checkpoint ng mga pulis, hindi sila tumigil at nagpaputok umano ng baril  kaya nagkaroon ng engkuwentro.

"Maaga pa po nag-o-Oplan Sita po 'yung aming TMR (tactical motorcycle riders). Soon dumaan 'yung tandem, pina-flagdown po sila...ayaw po nilang mag-flagdown, pinutukan po ang aming TMR, naghabulan na po...Ayun, nagkaroon na ng barilan, nagputukan po," ayon kay Police Senior Inspector Sonny Reyes, hepe ng investigation and intelligence branch (SIIB)  Station 11.

Narekober sa mga hindi na nakikilalang suspek ang baril at ang cellphone ng biktima na katas ng kaniyang pagtrabaho sa ibang bansa.

"Naghintay akong tumila 'yung ulan, para nga makatulog na ako. Tapos may biglang lumapit sa'kin na nakamotor po. 'Di ko akalain na holdaper, kasi kampante naman ako sa lugar ko na walang manghoholdap," kuwento ng biktima.

Paalala naman ni Reyes sa publiko: "'Wag na mag-cellphone sa kalsada at 'yung mamahaling lahas, 'wag na pong magsuot. Mitsa lang ng buhay n'yo 'yan."

Kung maharap man sa mga holdaper, payo ng pulisya na ibigay nalang ang gamit at huwag nang lumaban. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News