Patay ang isang lalaking sa pamamaril ng hindi pa natutukoy na suspek sa bahay ng kaanak nito sa Barangay Tonsuya, Malabon, ayon sa ulat nitong Lunes sa Unang Balita.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad nitong Lunes, naghihintay lamang ang biktimang si Eric Piano para sa kanyang mga kaibigan nang bigla siyang barilin.

Namatay kaagad ang biktima dahil sa mga tamang natamo nito sa ulo at katawan.

Wala raw takip sa mukha ang suspek at may suspetsa na ang ina ni Eric na si Carlita kung sino ang gumawa nito, ngunit tikom ang bibig nito kung ano ang posibleng pagkakakilanlan nito.

"Wala naman akong naririnig na may kalaban siya. Ewan ko lang, 'di ko lang masasabi," ayon kay Carlita. "'Yan sa amin, talagang talikuran ang labanan niyan sa amin."

Namomroblema si Carlita at ang kanyang pamilya kung paano nila mabibigyan ng hustisya si Eric.

Hindi raw nagkakaso o nasangkot sa ilegal na droga si Eric bago nangyari ang krimen.

"Bahala na ang Panginoon sa kanila sa ginawa nila sa anak ko," sabi ni Carlita.

Hindi rin alam ng pamilya kung paano nila mapapalibing ang anak dahil kapos sila sa buhay. —Rie Takumi/KG, GMA News