Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa labas ng bilyaran nang taong nakaalitan niya dahil sa pustahan sa Caloocan City. Ang suspek, isa umanong seaman na papaalis na sana.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa labas ng bilyaran na inilalayo ang suspek ng kasama niyang lalaki na kaniya palang ama.

Nakasunod sa kanila ang biktima hanggang sa mawala na sila sa anggulo ng CCTV.

Nang magbalik sa lugar, makikita na hawak na ng biktima ang kaniyang dibdib at nakasunod sa kaniya ang suspek na may hawak ng baril.

Ilang beses pa siyang pinagbabaril kahit nakatumba na.

Kaagad na nasawi ang biktima na nakilalang si Mark Martin.

Ayon kay Police Captain Ziolo Lopez, hepe ng Tuna Sub-Station, Caloocan PNP, siyam na basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa crime scene.

Tumakas ang suspek na si Jose Dwight Vergara III, na ayon sa mga kamag-anak ay isang seaman na pasakay na sana muli ng barko.

Ayon sa saksi, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima dahil sa pustahan habang nanonood ng laro sa bilyaran.

“Hinamon na po ng suntukan eh yun pala may dalang baril yung tao. Inawat na ng tatay hinila palabas eh ano po sinundan po ni Mark,” saad ng saksi.

Habang hinahanap ang suspek, pinag-aaralan ng pulisya ang pananagutan ng kaniyang ama sa nangyaring krimen.

Hinakayat naman ng mga kaanak ang suspek na sumuko at harapin ang kaso.

“Panawagan na lang po sa pamangkin ko at kapatid ko ayusin nila naging problema nila kung kinakailangan lumutang sila, lumutang na lang,” ayon sa tiyuhin ng suspek.

Hustisya naman ang sigaw ng kabiyak ng biktima na mayroong limang anak.

“Marami po siyang kinuha sa amin hindi lang buhay ng asawa ko inalisan niya ng tatay ang mga anak ko inalisan niya ako ng asawa, ng kapatid yung mga kapatid niya. Maraming nawala dahil sa balang nilagay niya doon sa asawa ko,” ayon sa asawa ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News