Na-hulicam ang tangkang pagnanakaw ng tatlong kabataan sa isang sari-sari store sa General Geronimo St. sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City, pasado Martes ng hatinggabi.

Kasagsagan ng buhos ng ulan nang makita sa CCTV ang pakikipag-usap ng tatlo sa dalawang pang kabataan na nakapayong.

Nang makaalis na ang dalawa ay nilapitan na ng tatlo ang tindahan.

Sinampa ng unang binatilyo ang pinto ng sari-sari store pero hindi siya nakapasok.

Sumunod namang sumubok ang mas maliit sa kanya pero hindi rin nakapasok.

Bigo rin ang ikatlo nilang kasamahan na sumampa sa pinto.

Nagtakbuhan ang mga kabataan nang dumating ang mga barangay tanod.

Ayon sa mga tauhan ng barangay, na-monitor nila sa CCTV ang kahina-hinalang kilos ng mga kabataan kaya agad silang nakaresponde.

Isa sa tatlo ang nahuli at dinala sa barangay hall.

Aminado ang 14-anyos na tinangka nilang pasukin ang tindahan para kumuha ng tsitsirya.

Pinatawag ang kanyang magulang para sa counselling bago pinauwi ang menor de edad. —KBK, GMA News