Nasamsam ng mga awtoridad ang aabot sa 350 gramo ng hinihinalang shabu sa anti-drug operasyon sa Caloocan City na tinatayang nagkakahalaga ng P2 milyon.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing isinagawa ang operasyon sa may Tullahan Road sa Sta. Quiteria district ng lungsod noong Huwebes ng gabi.

Naaresto ang high-value target na si Rolando Arnaiz, na umano'y pinuno ng Valenzuela Arnaiz criminal gang.

Ayon sa mga pulis-Caloocan, hindi lamang sangkot sa droga ang grupo ni Arnaiz kundi mga gun-for-hire din ang mga miyembro nito.

Sit Arnaiz ay "most wanted" din sa Novaliches sa Quezon City, ayon sa ulat.

Natimbog si Arnaiz sa buy-bust operation at nabilhan ng undercover ng 100 gramo ng shabu.

Nang magkahulihan, nakuha nga mga pulis mula sa grupo ang karagdagang 250 gramo ng shabu.

"Ito kasi nag-operate sa Caloocan, Quezon City, at Bulacan. So, tinutunton natin ang source. The lead we have obtained will be used for followup investigations," pahayag ni National Capital Region Police Office head Chief Superintendent Guillermo Eleazar.

Nakumpiska rin mula sa grupo ang dalawang kalibre .45 na handgun. —LBG, GMA News