Nabulabog ang despedida party para sa ilang seaman sa isang resort sa Laguna nang salakayin ito ng mga awtoridad dahil may ilang babae na ibubugaw umano, na kinabibilangan ang ilang menor de edad.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing pinasok ng mga awtoridad ang isang private resort sa Bay, Laguna nang makumpirma na nasa loob na ang target na bugaw at ang mga babae na ibubugaw nito.

Sa isang kuwarto, inabutan pa na walang saplot ang isa sa mga babae na ibubugaw dapat sa isang lalaki.

Inaresto ang umano'y bugaw na si Banjorie Dayo, at tatlo niyang kasabwat. Nasagip naman ang siyam na babae, kabilang ang dalawang menor de edad.

"Magpapakita siya ng mga pictures dito sa kaniyang Facebook account at mamimili ka roon, at 'yon ang ide-deliver niya sa'yo. The other thing, 'yung kaniyang modus is 'yung street pimp," ayon kay P/Supt. Gemma Vinluan, hepe ng Women and Children Protection Center, Luzon Field Unit.

Kadalasan din umanong tine-text ng suspek ang mga kontak nito para kumuha ng mga babae na kanilang ipinapasok sa child at sex trafficking.

Inamin naman ni Dayo ang bintang sa ginawa niyang pag-aalok ng babae. Pero katwiran niya, gusto rin ito ng mga babae.

Patuloy pa umanong mag-iimbestiga ang pulisya upang alamin kung may iba pang sangkot sa naturang prostitusyon. -- FRJ, GMA News