Naaresto sa Calamba, Laguna ang isang farm technician na No. 1 most wanted sa bayan ng Liliw dahil sa patong-patong na reklamong rape, kabilang dito ang paghalay niya sa isang 11-anyos na babae.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Miyerkoles, kinilala si Junie Apurado na wanted dahil sa five counts of rape, two counts of rape with sexual assault at one count of acts of laciviousness

Ayon sa mga awtoridad, nadakip ang suspek matapos itong makipagkita sa mga operatibang nagkunwaring magtatayo ng farm at kukunin siya bilang technician.

Ilang linggong tinrabaho ng Liliw police ang pagtutugis kay Apurado na nakapagtago raw sa Zambales, Tarlac at Mindoro.

"Masyadong madulas ang suspek. Palipat-lipat ng lugar," ayon kay Police Chief Inspector Raymund Osea, hepe ng Liliw police.

Sa video, natikman ni Apurado ang galit ng isa sa kanyang mga biktima.

Dalawang taon daw siyang inabuso ng suspek noong siya ay 11-anyos tuwing umaalis ang kanyang magulang sa pinagtatrabauhang farm.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang: "Wala pong rape na nagyari at wala pong tutukan ng kutsilyo."

Inimbitang ng Laguna police na magtungo sa presinto ang iba pang maaring naging biktima ni Apurado para makapaghain ng reklamo.

Ang mensahe ni Laguna PPO provincial director Senior Superintendent Kirby John Kraft: "Hinihikayat namin ang mamamayan na magbigay sa amin ng impormasyon at ito'y tatrabauhin namin sa abot ng aming makakaya." —Margaret Claire Layug/NB, GMA News