Patay na nang matagpuan ang isang driver ng Grab sa loob ng kaniyang sasakyan na iniwan sa Barangay Don Galo, lungsod ng Parañaque noong gabi ng Hulyo 31.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes, kinilala ang biktima na si Ananias Antigua, 54.

Ayon sa postmortem examination, 12 tama ng bala ang ikinamatay ni Antigua.

Paniwala ng asawa ng biktima, sinubukang labanan ni Antigua ang suspek kaya't nagtamo siya ng maraming tama sa katawan.

"From the driver seat dinala siya doon sa likod... hindi lang doon sa chair, doon sa pinakaflooring doon siya inilagay. Idadrive pa ng suspect 'yung Innova para makuha niya tapos itatapon niya 'yung asawa ko doon sa lugar na 'yon," sabi ng asawa ni Antigua.

"Lumaban 'yung asawa ko, lumaban siya kaya marami siyang tama. Kasi meron sa paa tapos dito sa may likod, sa ulo," dagdag niya.

Labis ang hinagpis ng mga anak ni Antigua sa sinapit ng kanilang ama na itinuturing nilang masayahin, malambing at uliran.

"Kita po namin kung gano po kasipag po si Papa para lang po sa amin. Mabait po, maaasahan po," sabi ng anak ng biktima.

"Napakabrutal po ng nangyari kay Papa para po patayin nang ganon. Wala naman pong ginagawang masama ang Papa po namin."

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, maaaring robbery o carnapping ang motibo ng krimen.

Isang fired bullet at 12 basyo ng 9MM na baril ang narekober ng mga pulis sa loob ng sasakyan ng biktima.

Nasa kamay na ng mga awtoridad ang detalye ng biyahe ni Antigua noon araw na iyon kasama na ang naging huling pasahero niya na itinuturing na person of interest sa kaso.

Pasado alas-siete raw ng gabi nang sunduin ng biktima ang kaniyang huling pasahero sa isang hotel-casino. Sa may lungsod ng Pasay daw ang drop-off point nito.

"Sa ngayon kasi mayroon kaming mga lead na tinutumbok but hindi namin mailabas ngayon," sabi ni National Capital Region Police Office director Chief Superintendent Guillermo Eleazar.

"Sooner or later mahahanap din namin kayo, kaya kung sakali man, mas maganda na kayo mismo'y sumuko na para harapin ang problema o krimen," dagdag ni Eleazar.

Kinondena naman ng Grab ang nangyari kay Antigua at nangako silang makikipagtulungan sa pulisya upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng isa sa kanilang mga driver. — Anna Felicia Bajo/BAP, GMA News