Viral ngayon sa social media ang isang buntis daw na drayber matapos siyang makipagtalo sa mga Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) enforcer na titiketan sana siya para sa illegal parking.

Ayon sa Gadget Addict Facebook page, kung saan ini-upload ang video nitong Martes, nangyari ang insidente sa Mayon - N. Roxas, Quezon City.

Sa video, makikita ang pakikipag-usap ni MMDA Special Operations Group head Bong Nebrija sa babae, na iginigiit na nakabalik siya sa kaniyang sasakyan sa loob ng limang minuto ng pagbusina ng MMDA.

Ayon sa patakaran ng MMDA sa illegal parking, maghihintay muna ang mga enforcers ng karampatang oras bago tumawag ng tow truck para hatakin ang sasakyan.

Kung dumating sa oras ang driver, kailangan nitong magpresenta ng lisensya para mabigyan ng ticket, at maaari na silang umalis pagkatapos. Kung hindi makapag-presenta ng lisensya, ipagpapalagay ng MMDA na wala nito ang driver at kailangan ma-impound ang sasakyan.

Sa video, kahit ipinipilit ng babae na nakabalik siya sa sasakyan niya bago mag-limang minuto, ayaw naman nitong ibigay ang lisensya kaya hindi siya matiketan ng mga enforcer.

Makikita rin sa video na sinabi ng mga enforcer na binangga sila ng babae kaya nagkaroon din ng sira sa kanilang sasakyan.

Dahil sa pagmamatigas ng babae, nagpasiya na si Nebrija na tumawag ng tow truck.

Habang inaayos ang pag-tow sa sasakyan, napansin din ng MMDA enforcers na coding pala ang sasakyan ng babae. Depensa ng babae na tinitiketan dahil sa illegal parking, "Wala naman ako sa main thoroughfare. Naka-park ako."

Ngunit hindi pa rin pumayag ang babae sa pagbigay ng lisensya at pilit na pinipigil ang pag-tow sa sasakyan niya, hanggang sa dumating na rin ang pulis.

Kalaunan, dumating din ang asawa ng babaeng driver at naibigay ang lisensya.

Sisisihin umano ng mag-asawa ang mga enforcer kapag nakunan ang misis, na sabi niya ay buntis at dinudugo na raw ayon sa mister. Ayon din sa lalaki, piskal ang kaniyang asawa.

Inaya ng pulisya ang mag-asawa para sa police report dahil sa sira sa motor, ngunit umalis na ang sasakyan at sinabing dadalhin nila ang babae sa ospital. — MDM, GMA News