Naiangat na ang sumadsad na eroplano ng Xiamen Airlines sa Runway ng Ninoy Aquino International Airport madaling araw ng Sabado.

Ayon sa mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nasa crash site, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang maiangat ang eroplano mula sa bahagi ng runway kung saan ito sumadsad.

Sa ngayon ay nakatakda itong isakay sa flatbed truck na siyang maghahatid sa remote parking ng NAIA kung saan ito pansamantalang ilalagay.

Pero kahit maialis na ang eroplano, kakailanganin pa raw na magsagawa ng clearing operation sa site.

Mapanganib pa rin kasi ang mga foreign object mula sa nasirang bahagi ng eroplano para sa mga daraan sa runway. — BAP/KG, GMA News