Huli sa CCTV ang umano'y pananakit ng isang pulis sa isang mekaniko sa gitna ng  clearing operation sa Barangay West Crame sa San Juan, ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Paliwanag ng pulis na kinilalang si PO1 Gerald James Geronimo ng San Juan Police, "defense move" lang ang kanyang ginawa kaya niya tinulak ang mekanikong si Jesus Valiente.

"Nung kukunin ang cellphone sa akin, tumayo siya, baka agawan ako ng baril. Defense move ko lang 'yun kaya tinulak ko siya. Yun ang depensa ko," ani Geronimo.

Bago nito, kinuha umano ni Geronimo ang cellphone ni Valiente at inihagis ito sa mesa. Bukod dito, inambahan din si Valiente ng suntok ng pulis habang sila ay nagtatalo..

"Kinuha phone ko, hinagis niya. Pagkuha ko ng cellphone, binalya ako," sabi ni Valiente, na balak magsampa ng reklamo laban kay Geronimo.

Ayon sa ulat, kasama si Geronimo ng mga opisyal ng barangay sa pagsasagawa ng clearing operations. Kasama sa mga sinita nila ng trak na kinukumpuni nina Valiente sa kalsada.

Ani Geronimo, "hysterical" si Valiente.

"Nag-hysterical siya, hindi naman pala siya yung driver, on call na mekaniko [lang pala] sa lugar. Ginawa niyang talyer yung gilid [ng kalsada]," aniya.

Handa naman daw si Geronimo na harapin ang reklamong isasampa ni Valiente. Sa ngayon, na-relieve siya sa puwesto habang gumugulong ang imbestigasyon.

"Nilagay muna namin siya sa personnel accounting unit ng San Juan Police upang maimbestigahan sa pangyayaring naganap. Nandito siya para maimbestigahan kung sino ang may kasalanan," ani Senior Superintendent Regis Reyes, hepe ng San Juan Police.

Ayon sa barangay officials, matagal nang inirereklamo sa lugar ang illegal at double parking at ito ay inaaksiyunan lamang nila. —KBK, GMA News