Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang pahinante na katatanggap lang sa trabaho matapos na mahuli-cam ang pagnanakaw umano niya sa kompanya ng nasa P500,000 halaga  sa Caloocan City.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing kapapasok lamang ng suspek na empleyado na si Eriel Mansalapus noong Setyembre 1.

Makikita sa CCTV ang pananatili ng suspek sa compound ng kompanya kahit umuwi na ang kaniyang mga kasamahan. Hindi na nakunan ang aktuwal umanong pagnanakaw.

Sa isang pang anggulo ng CCTV, makikitang pumunta si Mansalapus sa likurang bahagi ng opisina at ilang saglit pa, sa gate na ng compound nakita ang suspek.

May inilusot siya plastic sa ilalim ng gate na pinaghihinalaan ng may-ari ng kompanya na ninakaw na pera.

Makikita rin na dumating ang dalawang pahinanteng kasabwat umano ni Mansalapus na sina Stephen Santos at isang menor de edad.

Tumanggi naman ang dalawang nahuling suspek sa mga akusasyon laban sa kanila. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News