Binigyan ng pagkilala ng Philippine Drug Enforcement Agency ang kanilang mga aso o K9 na tinagurian nilang hero dogs.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing ang pagkilala ay iginawad sa mga aso dahil sa kanilang kontribusyon sa operasyon kontra-droga ng ahensya.
Kasabay nito, binuksan din ang training program para sa K9 handlers ngayong 2018.
Sa press conference, pinasalamatan ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga aso na nakatulong nila para matukoy ang mahigit 300 kilo umano ng shabu na itinago sa mga magnetic lifter noong Agosto.
Palalawigin pa raw ng PDEA ang kanilang programa sa paggamit ng mga K9 at bumili sila ng dagdag na 100 aso para makatuwang nila sa kampanya laban sa droga.
"We bought additional 100 K9 dogs to be trained for six months and these will be later on be assigned on different seaports and airports," sabi ni Aquino.
READ: PDEA chief Aquino, nanindigang may nakalusot na droga sa mga magnetic lifter
Matatandaan sa isinagawang pagdinig sa Kamara de Representantes kamakailan, iginiit ni Aquino ang kaniyang tiwala sa K9 na may naamoy itong droga sa mga magnetic lifter na hiwalay na nakita sa Cavite kahit walang laman.-- FRJ, GMA News
