Hindi naiwasan ng ilang pumila para makabili ng murang NFA rice na uminit ang ulo matapos silang maubusan sa Masinloc Public Market sa Zambales. Ang isang lola, napaiyak na lang dahil sa kanilang sitwasyon.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing umikot na ang pila sa nasabing pamilihan dahil sa dami ng nais na makabili ng murang bigas ng National Food Authority.
Marami sa mga mamimili ang ilang oras nang nakapila para makabili ng bigas na limitado lang sa tig-tatlong kilo dahil mabilis maubos.
Dahil 20 kaban lang ang supply ng nag-iisang retailer na nagbenta ng NFA rice sa araw na ito, may mga hindi na nakabili kaya hindi naiwasan na may uminit ang ulo.
"Nagsabi na kami kanina. Binilang na ang tao. Tama na," anang tindera.
Paliwanag naman ng market attendant, "Hindi natin masisisi ma'am kasi 'yan lang po ang dumarating na bigas."
Pero iginiit ng isang bumibili na dapat nagbigay ng stubs ang tindera para hindi umaasa at hindi pumila ang iba.
"Ganito ang sinasabi ko, kung may stub. 500 stubs kahit dalawang kilo ang binibigay, maabutan ka ng stub, wala nang stub, uuwi na 'yung mga tao," giit ng mamimili.
Si lola Esminia Sermenio, hindi mapigilang maluha sa kanilang kahabag-habag na sitwasyon para makabili ng murang bigas para may makain.
"Nakikita po namin 'yung kalagayan po ng mga ano namin, ganito nga po kahaba ang pila. Kaya nawawalan po kami ng... minsan nawawalan po kami ng pag-asa na makakakuha ng bigas," malungkot niyang pahayag.
May halong galit naman ang naramdaman ni Aling Lina Nabat na kasama rin sa mga pumili sa NFA rice.
"Halos hindi pa kami kumakain para pumila lang kami dito. Kanina pa kami dito. Maski dalawang kilo lang. Kawawa ang mga anak ko," sigaw niya.
Paliwanag ng NFA retailer at may-ari ng tindahan na si Eddie Daet , sadyang limitado talaga ang suplay ng bigas at hindi raw nila alam kung kailan may darating.
Samantala sa bayan naman ng Sta. Cruz, pumipila naman sa mga ATM ang mga residente para maghanda ng pera sa gitna ng bagyo.
Sa Barangay Lipay Riverside, naghahanda na rin ang mga nakatira sa mga dikit-dikit na bahay na gawa sa kawayan at nakatuntong sa tubig.
"Natakot ma'am pagdating ng malakas na hangin. Dito kasi ang alon dito sasampa sa bahay. Mamaya siguro kung merong utos lilikas na kami," sabi ng isang residente sa Brgy. Lipay Riverside.
Tinuluyan na rin ng ilang pamilya ang isang chapel.
Naghahanda na rin ang Barangay Pagatpat.
"Kinakabahan madam. Kaso walang... Saan kami pupunta kung ganitong panahon nga nakakatakot... Lilipat na lang siguro sa may magagandang bahay," sabi ng isang ginang.
Nagbigay na ng babala ang mga rescue teams sa pre-emptive evacuation nang mag-iikot sa bayan, dahil may mga banta ng storm surge sa mga coastal barangay at flash floods at landslides sa iba pang lugar.
"Hindi namin alam kung anong mangyayari sa magdamag kasi mahirap nang gagalaw 'pag nariyan na 'yung bagyo," ayon kay Vergel Misola, MDRRMO Sta. Cruz. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
