Nag-viral sa social media ang video ng isang leon na tila pangingisay sa sahig sa Manila Zoo na nakuhanan nitong Linggo. Ang naturang leon, mabuti na ang lagay at posibleng na-stress lang daw dahil sa bagyong Ompong, ayon sa pamunuan ng zoo.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video na kuha ni Mark Christopher Lee ang tila pangingisay ng leon habang patagilid na nakahiga sa semento.
Dahil dito, nabahala si Mark at naghina na baka nagkaroon ng distemper disease ang hayop, isang uri ng virus na nakakaapekto sa mga hayop gaya ng malalaking pusa.
Tinag [tag] din ng netizen ang animal welfare group na PAWS at nanawagan na aksyunan ng Manila Zoo ang pangyayari.
May halos 800,000 views na ang video at nakatanggap din ng iba't ibang reaksyon mula sa netizens.
Napansin din ng ilan ang kapayatan o tila malnourished ng dalawang lioness o babaeng leon.
Dahil dito, nagtungo ang GMA News sa Manila Zoo upang suriin ang kalagayan ng leo na pinangalanang si Rapee.
Limang-taong-gulang na ang African lion na si Rapee, na dinatnang naglalakad at katatapos lang umanong kumain.
Sinabi naman ng mga beterinaryo ng Manila Zoo na hindi pa nila matukoy kung talagang nagka-seizure si Rapee dahil hindi na ito naulit.
Masigla at maayos naman din umano ang lagay ni Rapee, at nagpapahimas pa sa doktor nito.
Gayunman, ihiniwalay muna si Rapee sa ibang leon para isailalim sa obserbasyon nang dalawang linggo.
"So ngayon wala naman akong nakikitang kakaiba sa kaniya so minomonitor namin siya round the clock. 'Yung mga animal keepers laging naka-standby to check kung talagang may nangyaring seizure. We took necessary measures para tingnan din, kinonfine namin siya dito sa service area," sabi ni Dr. Patrick Domingo, OIC Zoological Division, Manila Zoo.
Ayon kay Dr. Domingo, posibleng stressed si Rapee dahil sa malalakas na hangin nitong linggo dahil sa bagyo.
"Nakakaapekto talaga 'yung sudden changes of climate and temperature," ayon pa kay Dr. Domingo.
Ang dalawang lioness naman na napansin sa kanilang kapayatan o pagka-malnourished, ipinakita rin ang kanilang kalagayan.
"Itong dalawang lioness namin ay one and a half year old pa lang at hindi pa sila nade-develop. Definitely hindi nagkukulang 'yung kanilang mga pagkain at nutrisyon na binibigay sa kanila," ayon kay Atty. Jas Garcia, Director, Manila Zoo.
Ang Manila Zoo ay mayroong mahigit 630 hayop mula sa 86 na species, kabilang ang nag-iisang elepante sa bansa na si Mali.
Ang pamunuan ng zoo ay may 30 zookeepers at dalawang beterinaryo na sapat umano para tugunan ang pangangailangan ng mga hayop.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
