Isang babae ang namatay matapos magtamo ng hindi bababa sa 20 na saksak nitong madaling araw ng Biyernes sa loob ng kanyang bahay sa Cainta, Rizal.

Nakilala ang biktima na si Maria Kathrina Nakpil, 25 anyos, ayon sa ulat ni Rida Reyes sa Unang Balita nitong Lunes.

Narekober sa banyo ang dalawang kitchen knife na siyang sinasabing ginamit sa krimen.

Naghihinagpis ang ina ng biktima na si Marichelle Nakpil.

"Ginawang hayop... Hindi ko ma-imagine na uuwi ako ng Pilipinas na heto ang dadatnan ko... Gigil na gigil. Putol ang daliri ng anak ko. Tapos puro ano, butas ang ulo niyan, tapos 'yung mukha niyan. Napakaganda ng anak ko," ani Marichelle.

Itinuturing nang person of interest ng pulisya ang nobyo ng biktima.

Sa CCTV footage na kuha sa loob ng village, makikitang pumasok ang sasakyan ng nobyo ng biktima patungo sa bahay ni Kathrina ng 1:48 a.m. ng Biyernes.

Subalit pagkatapos lamang ng siyam na minuto, muling nakita ang nobyo na naglalakad sa kalsada.

Sa sinumpaang salaysay ng nobyo ng biktima, sinabi niyang kasama niya ang biktima hanggang 12:30 a.m.

Magkausap pa raw sila hanggang ala-una ng madaling araw hanggang sa marinig niya na tila umuungol ang nobya at humihingi ng tulong.

Dito raw siyang nagpasyang puntahan ang nobya kung saan natagpuan niyang duguan ito. Sinubukan niyang humingi ng tulong.

Bukod sa nobyo, isa pang person of interest ang tinitingnan ng awtoridad.

Nakita ito sa CCTV na naglalakad palabas ng village at pumara ng tricycle. —KG, GMA News