Nasawi ang isang lalaking parking attendant na tumilapon pa umano ng 30-40 metro ang layo matapos siyang mabundol ng sasakyan sa Tomas Morato, Quezon City. Ang suspek, positibong nakainom.

Sa ulat ni Darlene Cay para sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Celso Calacat, na nabundol ng BMW sedan sa may Scout Fuentebella noong madaling araw habang tumutulong sa isang paatras na sasakyan.

"Biglang sumulpot, humaharurot na napakabilis tapos nahagip niya ito. Tapos tumilapon po yung tao sa layo na mga mahigit 30-40 meters," sabi ni Christian Salvador, isang saksi.

Sa lakas ng pagkakabangga, umabot si Calacat sa Scout Fernandez na nasa kabilang kanto na.

Tiyempo namang may mga napadaang doktor kaya sinubukan nila itong lapatan ng CPR.

Isinugod si Calacat sa pinakamalapit na ospital pero idineklarang dead on arrival dahil sa tindi ng tinamong mga sugat sa ulo at katawan.

Agad namang dinakip ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Ed Christopher Go.

Sinabi ng pulisya na itinanggi ng suspek na mabilis ang kaniyang pagpapatakbo.

"Nag-undergo siya ng alcoholic test. Positive po siya doon sa alcoholic test po," sabi ni Police Officer 3 Joel Avizo, QCPD Traffic Sector 4.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD Traffic Sector 4.

Haharapin niya ang mga patong-patong na reklamo. — Jamil Santos/RSJ, GMA News