Naalarma ang Bureau of Customs (BOC) sa kakaibang paraan ng drug smuggling nang masabat nila ang isang kilo ng shabu na itinago sa likod ng isang imahe ng Birheng Maria.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "24 Oras" nitong Huwebes, dumating sa NAIA galing Africa ang "holy frame" na siniksikan ng ilegal na droga.
Unang pagkakataon daw na gumamit ang mga smuggler ng religious item para magpasok ng shabu sa Pilipinas.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, "Ang ginamit ang frame ng ating Mama Mary and a very good concealment para sa shipment ng illegal drugs na shabu. Alam nila ang Pilipino, karamihan ay Katoliko."
Sa kabuuan, aabot daw sa P15 million ang halaga ang nasabat nilang ilegal na droga na nakatago sa iba't ibang package.
Isang foot and calf massager ang ginamit para maipuslit ang isa pang kilo ng shabu mula Thailand.
Ilang sachet rin ng shabu ang isinilid sa loob ng mga sulat mula sa Amerika habang marijuana naman ang nakita sa loob ng ilang gloves at jersey na nagmula rin sa bansa.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang aabot sa 69,870 piraso ng Valium at Mogadon galing sa Pakistan. Ayon kay Gerald Javier ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA), maaari itong gamitin bilang date rape drug.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung sino ang totoong sender at consignee ng mga nasabat na package.
Ayon sa District Collection ng Port of NAIA na si Carmelita Talusan, "Alam namin 'yung source of country na dapat namin bantayan. 'Tsaka kung ano ang weight, value, so it's combination of studying kung ano ang dokumento muna." —Margaret Claire Layug/NB/FRJ, GMA News
