Arestado ang dalawang Saudi Arabians na nahuli sa akto na humihithit ng marijuana sa loob ng isang bar sa Quezon City noong Sabado ng gabi.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong araw ng Linggo, sinabing ang dalawang Arabo ay may edad 24 at 25, at kasalukuyan ay mga residente sa Malate, Maynila.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, customer ng isang bar sa may Morato Avenue ang dalawa. 

Ayon sa isang empleado ng bar, nang maghanda na siya sa pagsasara ng bar, nadaanan niya ang dalawa na halinhinang may hinihithit.

Hindi na nakapalag ang dalawa nang dumating ang mga pulis.

Kasalukuyang naka-detine ang dalawa sa Quezon City Police District-Station 10, habang inihahanda ng mga pulis ang mga kaso laban sa kanila. —LBG, GMA News