Naipit ang kamay ng isang bata sa escalator habang namamasyal sa isang mall sa Marikina.

Ayon sa ulat ni Tricia Zafra sa 24 Oras, naipit sa escalator ang bahagi ng kanang kamay ng dalawang taong gulang bata matapos 'di sinasadyang mabitawan ng kanyang ina.

"Kita namin 'yung bata nakabitaw sa ina. So hinabol ng ina, hindi na niya nahagip kaya nadapa. Nadapa 'yung bata at sumubsob du'n sa escalator. 'Yung kamay, naitukod na. Naipit du'n sa escalator,” ani Antonio Romero, isa sa mga nakasaksi sa insidente.

Mabilis naman na rumesponde ang mga gwardya ng mall na dagling pinatigil ang escalator.

Tumulong rin ang mga gwardiya na tanggalin ang naipit na kamay ng bata. Dahil maliit pa ang bata, agad na nai-alis ang kanyang kamay.

Nagtamo ng sugat ang bata at dinala sa klinika ng mall bago dinala sa Quirino Memorial Medical Center.

Sa kabutihang palad, hindi nabalian ng buto ang bata ngunit nirekomenda pa rin ng mga doktor na dalhin siya sa ortho surgeon para makasigurado.

Binisita ng mga may-ari ng mall ang biktima noong Sabado at dinalhan ng regalo.

Nakalabas na rin ng ospital ang bata. —Llanesca T. Panti/NB, GMA News