Nakuha na ng mga awtoridad ang sasakyan ni Jojo Valerio, ang suspek sa magkahiwalay na insidente ng "road rage" na nakuhanan ng video. Ang kulay ng sasakyan, binago na umano at inalis na rin ang plakang "8" na gamit ng mga kongresista.

Sa ulat ng GMA News TV "News To Go" nitong Biyernes, sinabing nakita ang SUV ni Valerio sa Novaliches, Quezon City kaninang madaling araw.

Binago na umano ang kulay nito at inalis na ang special plate na "8" na ginagamit ng mga kongresista.

Dahil sa pagpapalit ng kulay ng sasakyan nang walang kaukulang permiso mula sa Land Transportation Office at Philippine National Police Highway Patrol Group, sinabi sa ulat na mahaharap sa panibagong asunto si Valerio.

Matapos maaresto kamakailan, nakalaya si Valerio matapos magpiyansa sa kinakaharap niyang reklamong physical injuries, grave threat at usurpation of authority charges, at iba.

Kaugnay ang mga kaso sa pananakit niya sa isang motorista sa Angeles City, Pampanga, at paggamit niya ng plakang 8.

Bukod sa insidente sa Angelis City, nakunan din ng video sa kontrobersiyal na sasakyan na nanggitgit ng isang motorista sa Quezon City.

Sinabi ng mga kaanak ni Valerio na kinompronta ng huli ang motorista sa Angeles City dahil muntik na umano nitong madisgrasya ang kanilang sasakyan at may kasama silang bata.—FRJ, GMA News